Thursday, November 8, 2012

I'll put this in Filipino...

Hindi ko lang maunawaan ang nararamdaman ko ngayon. Yong tipong me mga dahilan para magdiwang, pero di mo feel makipagdiwang. Panahon ng 13th month pay at mga kasiyahan bago magpasko, pero tila may kulang.

Di lang pala sa bonuses, sweldo at mga regalo magiging masaya, o baka naman umedad na ako kaya kung ano ano na pumapasok sa kokote ko.

Ang hirap ipinpoint kung san nanggagaling itong nararamdaman ko ngayon. Di ko alam kung dahil 1-5 ang standing ng Lakers matapos makuha si Dwight Howard at inakalang tapos na ang season sa Nobyembre pa lang, pero nadapa o nauntog sa katotohanang di ganon kadali ang tagumpay. Dahil ba sa mga galit sa Lakers na mga kakilala sa Facebook na patuloy na lumalait at nagtatawa sa kabiguan ng pinakapaboritong koponan ko simula ng bata pa ako (tulad ng Ginebra, na sa kasamaang palad ay nandito rin sa ganitong kondisyon)? Asar-talo ba ako, dahil sa pambubulahaw ng mga tao habang ninanamnam ko ang kasawian ng mapagtalo talo. (E kung titingnan, gumaganti lang naman sila nun panahon na nilalait ko yun idol nilang mukang ewan... :P, di dapat ako mapikon)

Historically, di naman ako pikon na tao mula nun bata ako. Sa totoo lang ay hindi yata ako naasar o napikon kapag sinasabihang mataba o baboy o elepante o balyena. Natatawa pa nga ako pag hinahampas ng barker sa terminal ng dyip yun parte ng likuran ng kinauupuan ko, para lamang ipaalam sa akin na "siyaman yan e, ang laki kasi nito".

Di ko alam kung dahil kulang pa ako ng 2 series sa Return of Marvel Legends, o dahil binenta ko (dahil sa pangangailangan) 'yong isa kong series ng Marvel Universe. O dahil wala pa akong Dreadwing at Megatron sa Transformers Prime. Di ko din alam kung dahil wala ako kahit isang Kobe 7.

Teka puro material na bagay ang pinagsasabi ko. Ano pa nga ba ang kulang? Baka naman may toyo lang ako ngayong araw na ito, which is highly unlikely, dahil di naman ako sinanay ng tatay kong magpakatoyo. Palo ang abot ko pag sinusubukan ko magtoyo, kaya kinalimutan ko na ang magtoyo. Di ko nga lang sure, kung bakit di napigilan ng tatay ko ang pagmamantika ko, gayung nasuheto naman nya ang pagtotoyo ko. (Hirit ng desperadong tumawa, sa gitna ng di maunawaang pakiramdam)

Lunch break na pala, di ko napansin. Di rin napansin ng mga usual kong kasama na di nila ako kasabay. Nalimutan pala ako ng mga taong yayain maglunch. Dahil ba gusto nila akong magdyeta, kaya ginagawa nila sa akin ito? Nagkakamali sila, dahil tsumibog ako ng konti bago ko nagsimula ng blog na ito. HA!!!

Since lunch break naman, tuloy ko na lang ang pagboblog...

Di kaya dahil may kakatwang tao na nakigamit ng cube namin ngayon kaya gnaito ang pakiramdam ko. Dahil inakala kong banyaga itong nasa likod ko, ay kinausap ko sya ng ingles, sumasagot naman ng ingles. Pero me kausap sa telepono ay nagtatagalog naman pala? Napahiya ba ako dahil pinili kong mag-ingles sa panahong di naman pala kailangan? Di bale, hanggang alas-4 lang naman ako magtitiis.

Dahil kaya naiwan ko ang payong na bigay ng honey ko sa van? Na wala akong way para macontact si kuya driver, para makuha ko ang payong ko uli. Bad trip! yun nga kaya? O dahil ang daming nakikisabay sa shuttle namin na hindi naman nakalista, na nakuha pang magpahintay? Iyon kaya?

O baka naman dahil sa kailangan ko na ng bagong working environment? Na dapat ibahin ko na ang sitwasyon ko? Dapat bang kaibiganin ko nang muli si LINA?

Kakaiba kasi ang relasyon namin ni LINA. Pag masaya ako sa trabaho, di ko sya pinapansin. Pero pag hindi, tulad ngayon, parang pakipot naman si LINA. Kakaiba ang relasyon namin, on and off. Pero mabait din si LINA kahit papano. Di nya ako iniiwan, yun nga lang, me panahong parang tamad na tamad sya na ibigay yung hinahanap mo. Pano ba dapat alagaan si LINA? Me mungkahi ba kayo?

12:45 na pala. Sabi ko hanggang 1pm lang ako magblog, dahil magtrabaho na ako uli. Gusto ko pa sanang iblog itong sunod kong gagawin, kaso mahirap namang idetalye sa panulat. Kaya iwan ko muna ito... hanggang sa susunod na lang... iwan ko muna ito... kahit mahirap... kahit malungkot... balik muna ako sa realidad, realidad na dahilan maaari ng kalungkutan. Sayang, realidad lang mayroon ako, wala nang iba...

No comments:

Post a Comment